It’s the 30th of December now. We commemorate the martyrdom and death anniversary of a Great Filipino, our hero, Dr. Jose P. Rizal. Our prayers and hope are for our Kababayan and Kabataan to find inspiration from this remarkable man.
To remember him, here’s a poem in Filipino, dedicated to Rizal Day 2025:
Tula ni Rado Gatchalian
Nasugat na ako minsan
At maging ang mga tuyong dahong
Nahulog mula sa langit,
Walang tugon kundi
Ang yakapin ang mga pulang rosas
Sa damuhang walang inaangking lupa.
Kung ako’y alipin man
Sa lupang aking sinilangan
Paano na ang pag-ibig kong
Ang hinahanap ay kalayaan?
At paano ba ang magmahal
Kung hindi ako ganap na malaya?
Kung iiwan ko man ang bayang tumatangis
Sa araw at sa gabi, sa bawat pagtataksil
Ng mga Anak na mistulang kinalimutan ang Ina,
Paano na ang Inang Bayang aking minamahal,
Ang tanging pakiusap ay “Tama na!”
Tama na ang pagdurusa,
Tama na ang pagkawatak-watak,
Tama na ang walang katapusang paghihirap,
Tama na ang pagyurak sa aking kaawa-awang bayan!
Paalam sa Bayan kong handog ang aking buhay,
Paalam, paalam!
Kung ako’y magbabalik man,
Ako’y nasa halimuyak ng puting rosas
Na alay niyo sa aking bantayog,
Ang aking hiling at pakiusap—
Sa bawat Kabataan ay mag-alab
Ang pusong tapat, dalisay,
at may pagmamahal sa Bayan!
Paalam!
Ako’y naghihintay lamang…

