Ang tulang ito ay ambag ni Rado Gatchalian sa pagdiriwang ng Buwan ng Wika, bilang pagpapatuloy ng kanyang layunin na makapag-ambag sa pagpapayaman at pagbibigay-halaga sa wikang Filipino para sa Filipino-Australian diaspora. Sa pamamagitan ng makukulay na talinghaga, binibigyang-kalayaan ng makata ang bawat mambabasa na bigyang-buhay at sariling pakahulugan ang kanyang tula – maaari itong magkaroon ng iisa, dalawa, o higit pang kahulugan, ayon sa sariling damdamin at pananaw ng bumabasa.
Tula ni Rado Gatchalian
Kung paanong ika’y iniwan
gaya ng paslit sa lansangan,
Magbabalik din
Gaya ng isang paru-parong
dadapo sa iyong tuyong labi.
Wag kang magulat,
tanggapin mong muli
nang maluwag sa iyong dibdib;
Kung masakit pa rin sa kalooban,
hayaan mo’t kusang
mapapawi gaya ng takipsilim.
Siguro gaya ng tulang
naglalaro ng tagu-taguan,
Dadalhin ka sa isang
Unibersong walang mahirap,
walang mayaman,
lahat ay pantay-pantay.
Maghintay ka lamang.
Maghintay ka lamang
sa mga gabing walang hinaing,
at tanging hiling ay pasasalamat;
Sa katahimikang nanunuyo,
wag kang bibitaw, wag kang susuko.
Maghintay ka lamang.
Maghintay ka lamang
at gaya ng paru-paro sa hardin,
lalakbayin mo ang mga bulaklak,
Maging sa kalawakang
ang mga bitui’y naghihintay
sa iyong sabik na pagdating.
Maging sila’y naghihintay din.