(Isang Makabago at Maikling Bersyon) Tula ni Rado Gatchalian
“Mithi ng buhay ko, marubdob na aking pinakapithaya,
Nawa’y umunlad ka!—ang sigaw ng aking iigpaw na diwa;
Malugmok na ako, mataas ka lamang at dakila,
Mamatay na ako, mabuhay ka lamang at maging malaya—
Kay tamis humimlay sa silong ng langit ng sariling lupa!”
— Ika-limang saknong ng Mi Ultimo Adios ni Gat. Jose P. Rizal, salin ni Nilo S. Ocampo
Para kanino pa ang puting rosas
Na iniwan ko sa lilim ng kahapon,
Sa punong kumupkop sa aking kamusmusan,
Kapiling ang langit na naghihintay sa pusong lugod.
At kahit buntong hininga na lang ang natitira sa akin
Kaya pa ba ng aking nagdadalamhating kaluluwa
Na ibigay ang kahulihulihan kong bilin, maging panalangin,
Sa bayang iiwan ko na ang tanging hinihintay ay bagong umaga.
Kung lahat man ng bantayog ay ukol sa akin,
Iaalay sa bawat sulok at ako’y may pangalan,
Ingatan niyo hindi dahil may taglay na kapangyarihan,
Subalit higit lalo dahil naroon ang aking tinig.
Ano bang tinig ang inyong maririnig?
Sa hanging dumadampi sa inyong labing nakatiklop,
Kasama ba dyan ang aking mga panaginip,
Ang mga liham na hanggang ngayo’y walang sagot?
Paalam, at gayong ako’y hindi niyo na muling makikita,
Nariyan ako sa simoy ng hanging nagbibigay pag-asa,
Sa kapatagang tinamnan ng tapat na pag-ibig,
At maging mga bunga nitong humahalik sa langit.
At gaya ng mga bulaklak na iaalay niyo sa akin,
May kulay, mahalimuyak, at marikit,
Aking ikalulugod ang buhay niyong dakila’t tapat,
May pagmamahal sa ating Lupang Pinagmulan.
Paalam at kung bukas ma’y magkikita tayo sa Lupang Malaya,
Sabay nating buksan ang liham na ating tinago sa ating kaluluwa,
At doon sa matingkad at maluwalhating sikat ng araw,
Magkasama tayong mangangarap para sa ating Kabataan.