23.6 C
Sydney
Friday , 6 December 2024

Pambansang wika: Puso’t diwa ng bansa

Must read

(Buong teksto ng pananaliksik ni Manny G. Asuncion para sa pagdiriwang ng Buwan ng Wika na ibinunsod ng Konsulado ng Pilipinas na kanyang diniliber sa isang virtual na pagpupulong na ginanap noong ika 25 sa Agosto 2021 na dinaluhan ng mga lider ng iba’t ibang samahan ng mga Filipino Community  sa  Victoria).   

PANIMULA 

Mula pa noong sakupin ng mga Kastila ang bansang Pilipinas noong 1565, hindi na nila binigyang pansin ang panlipunan at pang-edukasyong kapakanan ng mga ordinaryong mamamayan. Bagkus, isang maliit na sektor lamang ng mga  Pilipino ang nakapag-aral at natuto mula sa mga Espanyol,  Karamihan  sa mga eltista o maliit na sector na ito ay nagkaroon ng mababang pagtingin sa karaniwang mamamayan lalo na doon  sa mga di nakapagsasalita ng Kastila. Hindi rin naman tinuruan ng pamahalaang Kastila na magsalita, magbasa at magsulat ang ordinaryong mamamayan ng kanilang wika. Ang mga paring Kastila naman ang nagpursigeng mag-aral at matuto ng mga katutubong wika upang mangaral at mahikayat maging Katoliko ang mga Pilipino. 

Noong namang dumating ang mga Amerikano noong 1898, tinuruan nila agad ng Ingles ang mamamayang Pilipino. Naniniwala kasi silang mas madaling turuan ang mga Pilipino ng kanilang wika kaysa mag-aral ng napakaraming lengguwaheng sinasalita sa buong Pilipinas. Noong una, Espanyol ang nangungunang gamit sa mataas na lipunan subalit unti-unting  nasapawan ng Ingles ang wikang Kastila sa pagsapit ng 1930. Samantala, patuloy pa rin ang paggamit ng mga Pilipino ng kanila-kanilang sariling wika (mahigit na sandaang leangguwahe at diyalekto) sa kanilang tahanan at pamayanan. At dahil nga sa masigasig sa pagtuturo ng kanilang wika ang mga Amerikano, Ingles ang mabilis na lumaganap sa buong kapuluan. Ang bagong  henerasyon naman ng mga kabataang Pilipino ay siya ring naging masikap na tagapagpalaganap  ng bagong wika. 

Sinasabi ng mga historyador na ito ang mga dahilan kung bakit walang maituturing  na  pambansang wika ang mga Pilipino sa dahilang walang sinumang  ang nagpaunlad, nagpalaganap at nagpanatili ng ating mga wika sa panahon ng mga mananakop.  Bagkus, ilan din  sa mga Pilipino ang ikinahihiya at mababa pa ang pagtingin sa kanilang sariling wika. Karaniwang pang maririnig sa mga magulang ang mga katagang: “Ano ka? Di ka pa marunong magsalita ng Ingles? Sayang lang ang ang perang pinagpa-aral ko sa iyo!”  Kaya may ilang dekada ding  wala tayong maituturing na wikang pambansa, At ito ang aking paksa ngayon sa artikulong  ito. 

Sulyap sa wikang pambansa ng Pilipinas

Ang Pagbubuo ng Wikang Pambansa ng Pilipinas   

Ang pagkakaroon ng wikang pambansa ng Pilipinas ay katuparan ng isang pangarap ni Pangulong Manuel Luis Quezon na  magkaroon ng isang  wikang pambansa ang Pilipinas. Kaya nga tinagurian siyang ama ng wikang Filipino. May mga kuwento pang lubos siyang  nalulungkot dahil ayon sa kanya  “Sa tuwing makikipagusap ako sa mga tao sa probinsiya, tulad sa Iloilo, Ingles ang ginagamit dahil wala tayong pambansang wika.” Naniniwala siyang ang wikang Pambansa ay siyang mabisang buklod ng mga mamamayan sa iisang bansa.  

Nang magkaroon ng Constitutional Convention noong 1935, masigasig na isinusug ni Panguloing Quezon ang isama sa konstitusyon ang pagbubuo ng wikang pambansa para sa mga Filipino. Naniniwala siya na hindi Espanol o Ingles ang siyang dapat  maging pambansang wika ng mga Filipino.     

Kaya sa 1935 Constitution,  sa Article  XIV Section 3 ay isinaad na ang kongreso ay:”Kailangang gumawa nang kaukulang  hakbang sa pagtatatag  ng isang wikang pambansa na ang basehan  ay nagmumula   sa isa sa mga umiiral na  katutubong wika.”  Ang dalawang mahahalagang salita na ginamit dito ay ang: UMIIRAL at KATUTUBO.  

Bilang pagsunod sa batas na ito, ang  National Assembly, ang lawmaking  body ng Pilipinas, ay nagpasa ng Act No.184 noong 1936 na siyang nagtatag ng isang Pambansang Komitee, ang Institute of National Language (INL) pumili ng isang wika mula sa umiiral  na mga lengguwahe ng bansa. Si Ginoong Jaime de Veyra ang naging taga-pangulo nito.  

Ang INL ay binubuo ng  mga kilalang dalubwika o linguists at mga kinatawang galing pa  mula   sa mga pangunahing  wikain ng Pilipinas tulad ng  Ilokano, Pampango , Pangasinan, Ibanag, Tagalog, Bikol, Hiligaynon (Ilonggo), Cebuano, Samar-Leyte at Maguindanaw. Si Jaime C. De Veyra ang siyang nahirang na pinuno ng INL. 

Matapos nang masusi at masinop na pag-aaral sa mga nasabing wika, inirekomenda ng INL sa Kongresso na Tagalog ang maging basehan ng pambansang wika. Prinoklama  ni Quezon na  ang Tagalog ang siyang ng wikang pambansa ng Pilipinas.

Noong 1937,  nagbigay ang INL ng resolusyon na tanggapin ang Tagalog bilang basehan ng wikang pambansa na sinangayunan naman ng asembliya. Tatlong taon matapos ang  opisyal na proklamasyon,  tinawag ang pambansang wikang ito ng Pilipino. Ang Pilipino ay itinuro bilang aralin sa mga kursong pangedukasyon  at sa mga Elementarya at Sekondaryang paaralan sa buong bansa hanggang sa pumutok ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Gayunpaman, sa panaghong ito, hinayaan ng mga Hapones  na gamitin ang Pilipino sa pagtuturo  kaysa sa Ingles sa mga paaralan.

Sa Constution ng 1943, inalis ang Ingles at Espanyol bilang opisyal na wika at inilahad na ang gobyerno ay gagawa ng mga hakbang tungo sa pag-unlad ng Tagalog bilang pambansang wika.  

Noong 1959, ang wikang Tagalog ay opisyal na pinangalanang Pilipino ng Kagawaran ng Pagtuturo, 

Ang policy at isyu  ng wikang pambansa ay malinaw na inilahad sa 1973 Constitution. Isinaad dito na ang National Assembly ay gagawa ng mga hakbang tungo sa pagpapaunlad at impormal na pagtanggap ng pambansang wika na tatawaging Pilipino. Itinatag din sa panahong ito ng mga delegado ng Convention ang Committee on National Language  upang tignan ang mga katanungan at  mga plano sa pagsulong ng wikang pambansa. Nagbigay ito ng rekomendasyon na gawin ang Filipino bilang basehan subalit mahigpit naman itong tinanggihan ng  iba’t ibang sector ng komyunidad.    

Ang palasak na paggamit ng Pilipino noong People’s Power taong 1986 ang siyang nagdagdag ng krebilidad sa pambansang wikang Pilipino at nagsilbing buklod-puersa para sa mga mamamayang  bumalikwas laban sa kasalukuyang rehimen.

Bilang sagot sa lehitimong administrasyon ng Pangulong Aquino matapos bumagsak ang gobyernong Marcos, nagpanukala ang Gobyernong Aquino ng isang Provisional Constitution na kilala bilang “Freedom Constitution”  noong ika 25 ng Marso 1986.  Isang proviso sa Pilipino bilang wikang pambansa  ay isinalang-alang.  At ito’y inilathala sa wikang Ingles at sa Pilipino. 

Pinagtibay sa isang malawakang peblecito ang Philipine Constitution 1987 noong ika 2 ng Pebrero 1987 na FILIPINO  ang siyang  bagong pangalan ng wikang pambansa ng Pilipinas. Isinasaad  sa Article XIV Section 6 na: 

READ  Special flights from Manila to Sydney and Melbourne on May 26 confirmed

“ The national language is Filipino. As it evolves it shall be further developed  and enriched on the basis of existing Philippine and other languages.”

Pinanawagin din ng pag-uutos  na gamitin at panatilihin ang paggamit ng Filipino bilang pang-opisyal na pamaraan sa pakikipag-ugnayan, wikang pang-instruksyon at  sistemang pang-edukasyon. Sa madaling salita, Filipino ang opisyal na wikang gagamitin  sa buong kapuluan kaakbay ng wikang Ingles at mga wikang katutubo sa kani-kanilang probinsiya. .    

Pinag-uutos din ng Constitution ang pagtatatag ng Commission on Filipino Language (CFL) na siyang magsasagawa, makikipag-ugnay at magtataguyod ng pananaliksik  para sa pagpapa-unlad at pagpapanatili ng Filipino  at iba pang mga wikain ng bansa. Ang mga rehiyonal na wika ay panulungang na opisyal na wika (auxiliar languages) sa mga rehiyon habang ang Espanyol at Arabic ay wikang maaaring gamitin kung kinakailangan.

Sinasabing apat na taon matapos na maipahayag ang 1987 Constitution,  ang Filipino bilang wikang pambansa,  ay naging mabilis, makulay at masiglang wika. 

Ang kakanyahan ng wikang Tagalog at ang wikang Filipino

Ang Tagalog ay kabilang sa mahigit na sandaang wika at diyalekto ng Pilipinas (hindi pare-pareho ang datus nito. May nagsasabing 80, 120 o 180) . Kasama ang Tagalog sa walong pangunahing wikang kinabibilangan ng: Bikol, Cebuano, Hiligaynon (Ilonggo), Ilokano, Pampango, Pangasinan  at Samar-Leyte. 

Ayon kay Ricardo Maria Nolasco, isang Linguist expert, ang Tagalog, Pilipino at Filipino ay magkakatulad na uri kaya’t kabilang sa iisang wika. Kapwa gumagamit ang mga ito ng parehong balarila (Garmmar) at mga salitang-ugat.  May parehong mga Simuno (Ang,Si, Sina ),  mga Panghalip panao (Ako, Siya, Sila ), Panghalip Paturol; (Ito, Iyan, Iyon)  Mga particles (Na, Pa, Nga, Pala, Rin. Sana, Naman,)  at iba pa. 

Mas malawak din ang gamit ng Filipino ngayon sa radio, telebisyon,  komiks, patalastas, pelikula, internet, mobile phone, Facebook at sa mga pangunahing babasahin gayon din naman sa mga pampamahalaan at mga pribadong sector ng bansa. 

Ang Tagalog ay may dalawampung letra sa ABAKADA,  samantalang ang Filipino naman ay mayroong dalawampu’t limang letra dahil isinama na ang mga banyagang letrang C,J, X, at Q na wala naman sa Alpabeto ng Tagalog. Tanggap  ng wikang Filipino ang Transliteration (mga banyagang salitang nilalapian o binabaybay sa  local na lengguwahe) tulad halimbawa ng Mag-enjoy [To enjoy]; Mag-drive o Magdrayb [To drive]; Nag-chat [Had a chat]. Dyok [Joke]; Tsansing [Chancing], Umescapo [Escape)  at iba marami pang halimbawa.      

Ang pagdiriwang ng Buwan ng Wika

Si Pangulong Sergio Osmena ang unang nagdeklara ng pagdiriwang ng Linggo ng Wika mula pa noong 1945 hanggang sa 1954. Ito ay ginugunita mula sa ika 25 ng Marso hanggang  sa ika 2 ng Abril alinsunod sa proklmasyon Bilang 36. Pinili noon ang buwan ng Abril dahil ito ang siyang kaarawan ng kilalang Tagalog na makata at manunulat na si Francsco Baltazar na siyang manunulat ng Florante at Laura

Noong 1955, binago ni Presidente Magsaysay ang petsa ng pagdiriwang mula sa Agosto 13 hanggang Agosto 19 taun-taon upang isabay sa kapanganakan  ni Presidente Quezon (Agosto 19, 1878) at nang makipagdiwang din ang mga mag-aaral  sa  nasabing selebrasyon. 

Noong 1997, pinirmahan ni Presidente Corazon Aquino ang Proclamation 19 sa muling pagtatakda ng pagdiriwang ng Linggo ng Wika tuwing Agosto mula sa ika  13 hanggang  19 sa  nabanggit na buwan. Samantala,  nilagdaan naman ni Presidente Fidel Ramos ang Proclamation 1041 bilang pagpapalawig ng nasabing pagdirwang sa buong buwan ng Agosto kada taon. Hanggang ngayon ay ipinagdiriwang pa rin ang Buwan ng Wika sa loob ng isang buwan ng Agosto taun-taon. 

Sa taong ito ng 2021 ay muling  ipinagdiriwang ang Buwan ng Wikang na may napapanahong temang: FILIPINO AT MGA WIKANG KATUTUBO SA DEKOLNISASYON SA PAG-IISIP NG MGA FILIPINO. Binibigyang diin sa malawak na temang ito na dapat nang iwaksi ang mga kolonyal na pag-iisip at pananaw na dulot nang daan-daang taong pananakop ng mga dayuhan sa ating bansa lalo na tungkol sa ating mga wika, Na lahat ng wika’y pantay-pantay. Walang mataas o mabababa. Katutubo man o banyaga. Na ating linangin, gamitin, panatlihin at higit sa lahat, ipagdangal ang ating sariling wika. Sapagkat kahit anupaman ang ating gawin, saan man tayo ipadpad ng kapalaran, Pilipino pa rin tayo. Sa isip. Sa puso. Sa diwa at sa gawa. At ito’y di natin maaaring ipagkaila. 

Mann Asuncion in Zoom 20210825
Manny G Asuncion

Konklusyon

Ang mga panukalang batas na nauukol sa wikang  pambansa ay may ilang mga balakid at debate sa pagdaraan ng maraming dekada. Isa na rito ang pagpili ng kung anong wika sa Pilipinas ang gagamitin at kung anong wika ang magiging basehan nito, Naging bunga ito ng  ilang alitan at di pagkakaunawaan lalo na noong Constitutional Convention 1971. Noong unang pinili ang Tagalog bilang basehan ng wikang pambansa noong 1937 ay tandisang tinanggihan ito ng mga miyembro ng Constitution na nagmumula sa di-Tagalog na sector. 

Naulit na naman  senaryong isyung nito noong 1963 at umabot pa sa Supreme Court  dahil sa pagpili ng Tagalog bilang basehan ng wikang pambansa (Si Inocencio V. Ferrer na taga-Negros Occidental ang nagsampa ng kaso na pinawalang bisa naman noong 1970).  Sa loob ng ilang mga dekada,  walang tinuturol na tiyak na wika ang pambansang wika kundi “ Ang wikang pambansa ay hahanguin mula sa isa sa mga wika at diyalekto ng Pilipinas.”  Sa wakas noong 1987 nagkaroon ng katuparan ang matagal nang inaasam-asam ng maraming mamamayan na magkaroon ng mukha ang wikang Pambansa  at yan ay walang iba kundi FILIPINO na siyang palasak na gamit ngayon.

Malaki ang naimbag ng Commission on Filipino Language sa  pagunlad, pagpapalaganap  at pananatili ng wikang Filipino sa pagdaraasn ng panahon. Nakapaglimbag na ito ng ilang diksyunaryo at mga iba’ibang mga lathalain tungkol dito at gayun din naman ang pagiging abala sa pagdaraos ng taunang BUWAN NG WIKA. Hindi hinangad ng manunulat maging masusi ang arikulong ito kundi bigyang sulyap lamang sa mga mahahalgang kaganapan tungo sa pagbuo at pagtataguyod ng wikang pambansa. 

Ako’y  lubos na nagpapasalamat sa artikulo ni Ginang Paz Belves (Development of Filipino National Language ) na isang retiradong professor ng Philippine Normal University (PNU)  at kay Ginoong Renato  Perdon sa kanilang masusing pananaliksik ukol sa kasaysayan ng  lengguwahe ng Pilipinas at  ng kasaysayan ng wikang pambansa ng Pilipinas. Isang napakalaking pasalamat kay  Ginoong Teodoro Agoncillo (History of the Filipino People)  sa mga nalikom pang ibang mga  impormasyon ganun din sa WIKIPEDIA. Ginaganyak din ng  manunulat na gumawa ng sariling pananaliksik upang lumawak at lumalim ang kanilang kaalaman hinggil sa kasaysayan  ng wikang pambansa ng Pilipinas.


IBA PANG MABABASA

More articles

- Advertisement -
- Advertisement -

Latest article