19.1 C
Sydney
Friday , 22 November 2024

Reaksyon sa pagdiriwang ng Buwan ng Wika

Sa pamamagitan ng Zoom, 25 Agosto 2021, Melbourne, Australia

Must read

Una po sa lahat ay binabati ko kayo ng Maligayang Buwan ng Wika. At maraming salamat po sa pag-iimbita ninyo sa akin, bilang isa sa mga tagapagsalita sa ating talakayan ngayong hapon. 

Marahil ay natutunan na po natin sa pagtatanghal ni G. Manny Asuncion na ang Pilipinas ay mayaman sa mga wika, sa katunayan, ayon ulat ni Grimes (2002) tinaya niya na may 168 wika ang Pilipinas, at ang ating bansa ay nakalista sa World Ethnologue bilang pang-25 sa mga bansang maraming wika or linguistically diverse country (Lewis, 2009).

Nais ko pong magbigay ng pahayag ukol sa kalagayan ng ating pambansang wika sa konteksto nito sa Australia, sapagkat dito po tayo naninirahan, at dito may panganib na mamatay o maglaho ang ating wika. Ang pagkamatay po ng wika na tinutukoy ko ay hindi sa aspetong wala na ni isang tao na magsasalita ng Filipino sa Australia, kung hindi sa aspeto na maaari itong mamatay sapagkat hindi na ito naisalin sa mga kabataang Pilipino-Australian. 

Marami pong pag-aaral na para sa atin na naninirahan na sa ibang bayan, may panganib na mamatay ang wika kung ang mga bata ay hindi matututong magsalita ng wika ng kanilang mga magulang. Ito ay posibleng mangyari sa loob lamang ng 3 o 4 na henerasyon. At ito ay lubhang magiging malungkot. 

Ilan sa mga dumalo sa virtual na pagtitipon sa pagdiriwang ng Buwan ng Wika sa Melbourne
Ilan sa mga dumalo sa virtual na pagtitipon sa pagdiriwang ng Buwan ng Wika sa Melbourne

Ang pagsasalita, pag-aaral, o pagpapayaman ng wika ng ating mga magulang, o wika ng ating komunidad ay may mga mahahalagang benepisyo para sa atin.

Ito ay nagpapaunlad ng ating karunungan, nagpapalawak ng ating pang-unawa sa ating sariling kultura, mga pagpapahalaga at tradisyon, ito rin ay nagpapatingkad ng ating sariling pagkakakilanlan at nagbibigay pagpapahalaga sa ating pinagmulan, nagpapaunlad ng relasyon at tibay ng ating samahang pampamilya, nagpapayaman din ito ng ating pang-unawa sa kaisipan at buhay ng ating mga ninuno. Dito sa Australia, karunungan sa wikang Filipino ay may ekonomikal o pinansyal na benepisyo rin sapagkat maraming ahensya ng pamahalaan ng Australia na nangangailangan ng mga tagapagsalin o translator.

READ  Dance Up! Australia wraps up Filipino dance classes paving way for other cultural groups

Subalit ang hamon ay kung paano natin papalawigin ang ating wikang pambansa dito sa Australia. Bilang wika ng komunidad o community language, ang Filipino ay wika ng minorya. Subalit ang pamahalaan ng Australia ay may mga hakbang na ginagawa upang ang ating wika ay kilalanin, sa katunayan ngayong panahon ng pandemya marami tayong mga patalastas na isinalin sa Filipino. Bagaman ito ay kakaunti pa lamang, ito ay isang mahalagang hakbang na nagpapakita ng pagpapahalaga ng Australia sa ating wikang Pambansa.

Bilang mga Pilipino sa Australia, marami pa tayong dapat gawin, sapagkat kung ikukumpara natin  sa ibang mga wika ng komunidad katulad ng Vietnamese o kaya Greek, napakaliit na bahagdan lamang ng Filipino ng makikita sa ating Sociolinguistic Landscape. Marahil, sasabihin ninyo na sapagkat mas matagal na sila sa atin, o kaya ay mas marami sila. 

Subalit maari din kayong pumayag na ang Filipino migrants sa Australia tumataas ang bilang kada taon, at dahil sinapit na natin ang ika 75 Anibersaryo ng relasyong diplomatiko ng Pilipinas at Australia ngayong taon, hindi na din naman natin masasabi na baguhan pa lamang ang ating komunidad. 

Sa aking pag-aaral maraming ang nagsasabi na hindi na daw kailangan ng mga Pilipino ang Filipino sa Australia, sapagkat magagaling naman daw tayong magsalita ng Ingles. Kahit na po mahusay tayong mag-Ingles, hindi po ibig sabihin nito na dapat nating kalimutan ang ating Wikang Pambansa. 

Kaya sa araw pong ito, nais kong magpasalamat sa lahat ng mga guro ng Filipino, at inaanyayahan ko ang mga lider ng ating komunidad, sa tulong ng ating Kunsulado at mga magulang na sama-sama at tulong-tulong nating pagyamanin ang wikang Filipino dito sa Australia sa abo’t po ng ating makakaya. Sapagka’t ang wikang Filipino po ay ating pagkakakilanlan, simbolo ng ating kalayaan at puso’t diwa ng ating Inang Bansa. Mabuhay po kayo. 


IBA PANG MABABASA

More articles

- Advertisement -

Latest article