21.8 C
Sydney
Monday , 23 December 2024

Araw ni Rizal 2020 sa Melbourne virtwal na itinanghal sa patuloy na pandemyang COVID-19

Must read

Jinky Marsh
Jinky Marsh
Jinky Trijo Marsh is an actor (stage, screen and voice), media producer, radio presenter and vocalist. She is also a registered dental health practitioner and active community oral health educator. Contact Jinky via her website, https://www.jinkymarsh.com.

ni Jinky Trijo Marsh

Ang Araw ni Rizal ay isang pambansang pag-alaala at parangal sa dakilang bayaning si Dr Jose Rizal na unang ginunita nuong ika-30 ng Disyembre taong 1898 alinsunod sa pagpapasiya ni Heneral Emilio Aguinaldo. Ito ay dalawang taon matapos ang kanyang kamatayan nuong 1896 sa Bagumbayan na kilala na Luneta sa lungsod ng Maynila. Ang araw na ito ay kilala na pambansang araw ng pagdadalamhati sa kanyang kamatayan at ng mga biktima ng pang-aapi nuong panahon ng mga Kastila sa buong tatlong siglong pamamahala nito. Ang Araw ni Rizal ay ginugunita ng mga Pilipino hindi lamang sa Pilipinas kundi maging sa iba’t bahagi ng mundo.

Dito sa Awstralya, ang parangal at paggunita ng Araw ni Rizal ay pinangungunahan ng Embahada ng Pilipinas at konsulado sa iba’t ibang estado, ganun din ang samahang Knights of Rizal kasunod ang Kababaihang Rizalista Inc.. Ang pagbuo ng samahang Knights of Rizal ay ipinatupad ng Batas Republika Bilang 646 nuong taong 1951 na may layuning pagkaisahin ang mga Pilipino sa pagpipitagan at parangal sa ala-ala ni Dr Jose Rizal at palaganapin ng husto ang kanyang mga adhikain, turo at gawain.

Isang karangalan at pribilehiyo na makapanayam ng Philippine Times ang pamangkin sa tuhod ni Dr Jose Rizal na si Ginang Josephine “Jopen” Quintero upang ibahagi ang kanyang mga pananaw sa paggunita ng ika-124 Araw ni Rizal. Dahil sa patuloy na pandemyang COVID-19,  ang parangal kay Rizal ay virtwal na itinanghal sa Facebook Page ng samahang Pinoy Ako Pinoy Tayo sa Melbourne na kung saan si Jopen ang pangunahing tagapag-ayos katulong si Ginoong Arlan Fajardo Pineda.

Kabilang sa pagtatanghal ay mensahe mula sa ating Embahador na si HE Helen de la Vega, Senate President Vicente “Tito” Castelo Sotto III, Consul General Lourdes Salcedo (Melbourne), Deputy Consul General Atty Anthony Mandap (Melbourne), Honorary Consul Atty Virma Symons (Perth), Knights of Rizal Komander ng rehiyong Australia-New Zealand-Oceania Cesar Bartolome, Knight Grand Officer ni Rizal ng Silangang Awstralya Danilo Peralta, Komisyoner at mananalaysay na si Professor Lino Dizon ng National Historical Commission of the Philippines at iba pang pinuno ng mga samahang Pilipino sa Awstralya.

Kabilang din sa parangal ay mensahe mula sa iba pang kamag-anakan ni Rizal, sa angkan ng mga kapatid na sina Narcisa at Soledad. Ang pagsalaysay ng buhay ni Dr Jose Rizal mula pagkabata hanggang sa kanyang kamatayan, ang kaniyang paglalakbay sa mundo at mga monumentong itinayo sa kanyang alaala sa iba’t ibang bahagi ng mundo, mga sayaw at awiting tradisyonal na Pilipino ay kasama rin sa parangal. Panuorin ang paggunita at programa ng parangal sa
https://www.facebook.com/Pinoy-Ako-Pinoy-Tayo-In-Melbourne-1521721861264006/videos/767339627205730

Malugod naming ipinakikilala si Jopen Quintero (JQ) at ibahagi ang kanyang pananaw sa Araw ni Rizal. Maaari ring panuorin ang panayam na ito sa YouTube.

Philippine Times (PT): Ano ang kaugnayan mo sa ating pinaka-iibig at dakilang bayani si Dr Jose Rizal?

JQ: Ang bunsong kapatid ni Dr Jose Rizal na si Soledad Rizal Quintero ay aking lola. Napangasawa niya si Don Pantaleon Quintero. Nagkaanak sila at yon ay sina Trinitario Rizal Quintero, Amelia Rizal Quintero at Teresita Rizal Quintero. Si Trinitario Rizal ang ama ng aking ama na si Serafin Quintero.

READ  Novel Things That We Have Learnt about Human Evolution over the Years

PT: Paano naiimpluensiyahan ang iyong kaisipan at gawain bilang isang kamag-anak ni Rizal?

JQ: Bilang kamag-anak ni Dr Jose Rizal, ay hindi ako nakaramdam na kailangan ko siyang tularan. Maaring ito ang nararamdaman ng iba niyang kamag-anak na mahirap gampanan, kung hindi talaga ikaw. Tinutularan ko si Jose Rizal sa maraming babay ngunit iyon ay dahil sa kagandahan ng kanyang gawain at prinsipyo at hindi dahil sa siya ay aking kamag-anak. Maaring may namana ako bilang ninuno, tulad ng tahimik na impluensiya sa pamamagitan ng pagsulat o mahinahon na pakikipag-usap sa mga dumarating na problema. Mahilig din akong maglakbay sa iba’t ibang bahagi ng mundo at ina-alam ko ang kultura ng mga tao upang sila ay maintindihan. Ina-alam ko rin ang simula ng lahat upang maintindihan ko ang kasalukuyan.

PT: Ano ang kahalagahan ng pag-alaala ng kadakilaan ng ating bayaning si Rizal sa panahon ngayon at susunod pang henerasyon?

JQ: Mahalaga na bigyan natin ng alaala ang kadakilaan ni Jose Rizal dahil siya ang nag-umpisa ng pag-iisip ng mga Pilipino na maraming mali sa pagpapatakbo ng gobyernong Espanyol. Nang dahil dito, nagkaroon ng sunod-sunod na rebolusyon hanggang nakamit natin ang kalayaan ng Pilipinas. Importante na ituro ito sa mga paaralan upang maging tuluyan ang pagpapahalagang mga kabataan sa kagitingan ng ating bansa at upang magkaroon tayo ng mga nararapat, matuwid at malinis na mga pinuno ng bansa.

Rizal Day celebration in Ballarat, Victoria in 2019 with Rizal's great grandniece Josephine Quintero (2nd from right) and Deputy ConGen Anthony Mandap (centre).
Rizal Day celebration in Ballarat, Victoria in 2019 with Rizal’s great grandniece Josephine Quintero (2nd from right) and Deputy ConGen Anthony Mandap (centre).

Malugod ding ibinabahagi ng Philippine Times ang mga mensahe ng Komander ng Knights of Rizal sa rehiyong Australia-New Zealand-Oceania na si Cesar Bartolome at pangulo ng Kababaihang Rizalista Inc. – Sydney Chapter na si Ginang Michelle Baltazar tungkol sa kahalagahan ng  paggunita ng buhay ni Dr Jose Rizal at kahulugan ng kanyang kamatayan:

CB: …Kailangang sariwaing lagi taon-taon ang pagiging martir ni Dr Jose Rizal upang ang ating mga mamamayan lalong-lalo na ang ating mga kabataan ay mamulat sa patriotismo na tinatawag o pagmamahal sa bayan. Ang Knights of Rizal na aking kinabibilangan ay binuo upang magsagawa ng paggunita nito upang ating muling balikan ang kasaysayan o ang panahon nang si Rizal ay naging martir at pinatay sa Bagumbayan.  Ang layunin ng Knights of Rizal ay pag-aralan at ipagpatuloy ang mga aral ni Rizal nang sa bandagng huli ay maging gabay natin sa pagigiging mabubuting mamamayan.

MB: Si Dr. Jose Rizal ay isang mapangitain at mapangaraping tao. Siya ay lalaking mayaman sa talino at kakayanan. Ang kanyang mga aklat na Noli Me Tangere at El Filibusterismo ay nagbigay liwanag sa katotohanan kahit ang pagsulat nito ay nagdulot ng kapahamakan sa kanyang buhay. Mahalaga na gunitain natin siya dahil ang kanyang buhay ay makakapukaw sa susunod pang henerasyon na magkaroon din ng malawak na pag-iisip at pangarap katulad ni Rizal upang sila’y maging mapangitaing ding mga mamamayan.

More articles

- Advertisement -
- Advertisement -

Latest article