19.9 C
Sydney
Monday , 18 November 2024

Boto Boto Pick

Must read

AIKA PASCUAL

Isang araw na lang, gaganapin na ang kauna-unahang national automated elections. Sa susunod na linggo, makikilala na natin ang susunod na presidente ng mahal nating Pilipinas, at ang mga desisyon ng taong ‘to eh maaaring makapagpabago ng buhay mo at ng mga magiging anak mo.
Hindi naman sa pinepressure kita, pero may iboboto ka na ba?

Bente dos anyos na ako ngayon, dalawang taon na mula nang grumadweyt sa kolehiyo. Ibig sabihin first year high school student palang ako nung naging presidente si GMA. Ngayon, dalawang taon na akong sumusweldo (dalawang taon na akong nagbabayad ng income tax — kailangan kong banggitin yun), s’ya pa rin yung presidente. Halos kalahati ng buhay ko, si Gloria Macapagal-Arroyo ang presidente ng Pilipinas.

Kaya naman uhaw na uhaw akong bumoto ngayong darating na eleksyon. Kasi alam ko na kung sino man ang ihahalal natin, magiging presidente sa loob ng anim na taon. Ibig sabihin, 28 anyos na ako bago s’ya mapapalitan ulit. At masyadong mahaba ang anim na taon.

Hindi ako pilosopo, pero may nabasa ako na marami raw tayong mga lohikal na pinaniniwalaan na medyo niloloko lang pala tayo. Sa mundo raw natin, merong tinatawag na Nirvana Fallacy. Sabi nung isang nabasa ko, ang Nirvana Fallacy raw ay isang “logical error” kung saan ang isang ideya, kahit maganda ang idea, ay walang kwenta dahil nakukumpara ito sa isa pang ideya na perpekto.

Halimbawa, merong isang kandidato na ayos na ayos — hindi s’ya nasangkot sa kung ano mang isyu ng kurapsyon o pangloloko. Sulit na sulit sa kanya ang binabayad na buwis ng mga tao kasi ginagawa n’ya ng mahusay ang trabaho n’ya. Ang masama nga lang, hindi s’ya perpekto. Kaya hindi mo s’ya iboboto.

Hindi ko alam kung ano ang batayan mo sa pagpili ng kandidato mo. Pero isipin mo na walang kandidatong perpekto.

Oo nga, sabi nga nila “why would we settle for anything less than perfect?” Ang problema lang natin, wala ngang kandidatong perpekto. Kung gusto mo, i-elect mo si God kung gusto mo ng perpekto. Siyam lang naman ang pagpipilian nating presidentiables, walo sa pagka-bise presidente. At tinitiyak ko sa ‘yo, ni isa d’yan, walang perpekto. Maaaring may isa o dalawang kapuna-puna sa kanila. Kaya kung may nakikita kang kapuna-puna sa kandidato mo, wag ka mag-panic. Normal yan.

At pag akala mo naman ay perpekto ang kandidato mo, kilatisin mo ulit mabuti. Baka nabubulag ka ng emotion mo.

To each his own, ika nga. Ayun ang kagandahan ng demokrasya. May kanya kanya tayong opinion, so hindi ko sasabihin sayo kung ano ang dapat mong gamiting criteria sa pagpili ng iyong mga kandidato.

Pero sasabihin ko na rin yung akin kasi column ko to eh. Kung may mapupulot ka, eh di mahusay. Pero sina-suggest ko na gumawa ka ng sarili mong criteria, depende sa paniniwala at prinsipyo mo. Wag ka magpaapekto sa opinyon ng ibang tao. Kasi kung ibabase mo ang boto mo sa sinasabi ng ibang tao, para mo nang ininsulto ang talino mo.

Una, hindi ako boboto dahil magaling sya magsalita. May nabasa ako sa twitter “If you don’t like *candidate name here*, do not listen when s/he talks, if you listen you might end up voting for her/him. That’s how good s/he is”.

Ang akin lang naman, hindi naman public speaker ang kelangan natin kundi presidente. Kung talas at tamis lang pala ng pananalita ang batayan mo, eh di try mong iboto yung ka-phonepal ko dati. So, pag ba nagkakagulo na sa Pilipinas, aasa nalang tayo sa mabulaklak nyang pananalita at malamig nyang boses? Kung ikaw eh kuntento na dun, ako kasi, hindi.

Pangalawa, ayaw ko nung puro sisi ang alam na gawin sa problema. Na kunyari nasa executive branch s’ya, sisisihin n’ya ang legislative kasi walang sapat na batas. Tas kunyari nasa legislative s’ya, sisisihin n’ya ang executive kasi hindi epektibo ang pagpapatupad ng batas. Uh, pag ba nagkakagulo na sa Pilipinas, sisi lang ang isasagot mo sa ‘min?

READ  The search for my father Alberto del Prado Suyat

Pangatlo, ayaw ko ng ginagamit ang emotion ng tao para mangampanya. Siguro sayo patok yun, pero sa ‘kin kasi hindi. Wala kasi akong emotion. There, i said it. Gusto ko yung may kongkretong plataporma na inihahain sa publiko. Yung malinaw ang mga programa n’ya sa kanyang pamamahala pag s’ya yung nanalo. Hindi yung puro pa-awa effect lang.

Pang-apat, ano na ba talaga nagawa n’ya? Kasi naman dun rin naman babagsak yun. Ano na nagawa n’ya? Nung nakaupo ba s’ya sa pwesto (pag nagkaroon na sya ng position sa government dati), nagampanan ba nya ng mahusay ang kanyang tungkulin o naging pabigat lang sya sa payroll ng gobyerno? Kung di pa naman sya nakapanungkulan sa gobyerno, ano ang nagawa nya bilang isang private citizen na maaaring makapag-contribute sa pamamahala nya?

Panglima, ano ang priority nya? Dun ako sa priority eh human rights. Medyo malabo pa kung sino kandidato ko rito.

Pang-anim, ayaw ko nung umaasa sa imahe ng iba para sa pagkapanalo nila. Huhusgahan ko sila ayon sa pangalan nila, hindi ng mga magulang nila o kung sino mang artista. Ayaw ko rin nung ginagawang popularity contest ang elections. Hindi ito highschool.

Pangpito, malinis. Kung may kaunti man — kaunti man — na bahid ng korapsyon, kasinungalingan at panloloko ang pangalan n’ya, tanggal na agad yun sa listahan ko. I don’t want to take chances.

Pangwalo, gusto ko yung transparent. Na pag tinanong, sasagot nang matino. Hindi yung laging no comment sa mga isyu, lalo kung may pera ng bayan na involved.

Pang siyam (at siguro, isa sa pinakaimportante), ay hindi pushover. May isang salita. May sariling desisyon. Yung hindi magpapalit-palit ng paninindigan. Yung sinasabi nilang political will? Importante yun, sa tingin ko.

Hindi ko naman sinasabi na lahat ng nabanggit ko sa taas eh kelangan nandun sa kandidato ko, pero sana, ganon na nga. Hindi ko naman kelangan bumoto ng perpektong kandidato eh. Ang kelangan ko lang, yung kayang pangatawanan ang trabaho na binigay sa kanya ng milyun-milyong tao.

Meron na ba akong iboboto? Meron na. Pero hindi ko na lang sasabihin kung sinu-sino kasi ayaw ko namang magmukhang kampanya ‘tong binabasa mo. Pero wag ka mabahala, sinisigurado ko sa ‘yo na sa May 10, hindi ako magsisisi sa iboboto ko. Na pinag-aralan kong mabuti ang bawat shade sa bilog na hugis itlog sa balota na imamarka ko.

Sana ganoon ka rin.

Ilang araw ko na ring isinusulat ‘tong column na ‘to. Sa gitna ng pagsusulat ko, ni-recall ng Comelec ang mga compact flash (CF) cards na nasa PCOS machines kasi ang nangyari, yung mga ipinapasok na datos ng mga ballota eh hindi nababasa ng tama ng makina. At yun na siguro ang pinakawasak na pwedeng mangyari sa eleksyon.

Ngayong nagbabanta ang failure of elections — kahit pinipilit ng Comelec na magagawan nila ng paraan ang pagpapalit ng libu-libong (as in LIBU-LIBO) CFs sa loob ng itinakdang panahon — medyo mahirap isipin na matutuloy ang eleksyon at hindi magkakagulo. Suportado ang ideya na iyon ng Finagle’s law: Anything that can go wrong, will — at the worst possible moment.

Pero sa pagkakataong ito, bakit hindi natin pakatunayan na isang fallacy rin ang Finagle’s Law. Hindi ko alam kung meron ngang kabaliktaran ang Law na ito pero gawan nalang natin kung wala pa:

Magiging OK lahat.

Oo. Optimistic ako. Kelangan eh. [ tinig.com ]

More articles

- Advertisement -

Latest article