Ang pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa sa taong ito at ang ika-10 Anibersaryo ng Samahang ng Tagalog sa Australya o ang Tagalog Association of Australia (TAA) ay ginanap sa Bulwagang Dixson ng Bahay-Aklatan ng Estado ng New South Wales or sa State Library of NSW nuong ika-13 ng Agosto, Sábado mula ika-2 ng hapon. Ang okasyong ito ay libre at nagsimula sa paglibot sa bahay-aklatan mula ala-una ng hapon.
Tampok pa rin ang Balagtasan sa pagdiriwang ito na ang pinaglabanan ay ANAK : DAPAT BANG PUMISAN SA MAGULANG NA SENYOR o HINDI? Tampok din ang panunumpa ng pamunuan ng TAA sa taong 2022-2024. Sa kauna-unahang pagkakataon ay opisyal na ibinahagi ang maikling salaysay ng wikang Pilipino at mga sipi ng Balagtasan ng Australia simula taong 2013. Kasama rin sa pagbabahagi ay ang aklat na sinulat ng isa sa mga kasapi ng samahan na si Eric Maliwat. Ang pakikilahok ng mga kabataan ngayong taon ay ang talino sa sining nina Julieanne Ysabella Alquiza, Francis Lucianna Calisin-Porter, Cameron Joshua Marsh at ang magkakapatid na sina Peter, Dominic at Taylor Brokke. Sila ay gumuhit ng filipiniana, sampaguita, dyip at bahay-kubo at nagbigay paliwanag sa wikang Tagalog ng mga simbolong Pilipinong kanilang iginuhit. Ang pagbigkas din ng tula ni David Joshua delos Reyes ay isa ring tampok sa pagdiriwang. Ang mga nagsidalo ay naaliw din ng mga piling mang-aawit na sina Christopher Booth, Yenu Rod Dingle Komitiyage at Lillian delos Reyes.
Malugod na ibinabahagi ng Philippine Times ang mga sumusunod na mensahe ng mga pangulo ng TAA upang palaganapin ang ating wikang pambansa at kultura:
Danilo Peralta, Unang Pangulo ng TAA : Kailan at bakit itinatag ang TAA?
Ang pagtatag ng TAA ay nagsimula noong aka’y nasa Stanford California, USA nuang bumisita aka sa aking anak at naimbita kami sa mga asosasyon ng mga Pilipino gaya ng mga Bikolano, Bisaya at iba pa. Ang pagtataka ko na walang Samahan ng Tagalog sa Australya ang nag-udyok sa akin na tawagan ang aking mga kababayan na sina Ross at Cecille Aguilar, Lillian delos Reyes, Bert Magsakay (mga tubong Bulacan), Jun Morales (tubong Nueva Ecija), Conrad Metierre (tubong Quezon) at Albert Nera (tubong Marikina). Itinatag namin ang TAA nuong ika-15 ng Hulyo sa adhikaing ipagpatuloy ang pagmamahal sa ating bayan sa pamamagitan ng pagyabong ng ang ating wikang Tagalog at ituro sa ating mga anak na dito na halos lumaki sa Australya. Inilunsad din po namin ang kauna-unahang Balagtasan sa taon 2013 na aming naging adhikain at proyekto hanggang sa ngayon taon. Ang aming mithiin ay mapanili nating buhay at laging sinasalita ng mga Pilipino dito sa Australya pati na rin ng ating mga anak ang kultura ng pagkaPilipino na mahalin ang ating sariling wika. Sabi nga po ni Dr Jose Rizal, “Ang hindi marunong magmahal sa sariling wika ay masahol pa sa malansang isda.”.
Cesar Bartolome, Dating Pangulo: Ano ang mga hamon sa hinaharap at maaaring gantimpala sa pagsusulong ang mga adhikain ng TAA sa ngayong panahong digital?
Ang mga hamon ay ang kahirapan ng mga Pilipinong ipinanganak sa Pilipinas na dito na nagsilaki sa Austrralya na magsalita ng ating wika lalong lalo na ang sumunod na hererasyon na dito na pinanganak. Ang mga hamon din ay ang kasanayan ng ating mga kabataan ng wikang Ingles sa paaralan, kapaligiran at sa bahay kung saan ang mga magulang ay sa wikang Ingles din nakikipag-ugnayan sa mga anak upang madali silang maintindihan. Ito ay pinahihirap pa ng mga kompyuter, elektronikang telepono at tablet na mas kinaaabalahan pa ng mga kabataan. Pati na ang mga palabas sa telebisyon at mga laro ay ganuon din kung saan ang midyum ay sa wikang Ingles. Ang ating mga pagkakataon na mahimok ang ating mga kababayan at kabataan ay ang manuod sa telebisyon at Youtube ng mga programang Pilipino lalong lalo na ang mga pang-araw-araw ng mga balita. Sa pamamagitan nito, maaari nating mapabaliktad at matungo ang ating direksyon sa adhikain ng TAA na mapalaganap at mapanumbalik ang ating kaalaman at kahiligan ng ating mga kabataan sa mga bagay bagay na Pilipino.
Lillian de Los Reyes, Kasalukuyan Pangulo: Anong proyketo ang gawain ng inyong pamunuan upang mapanatili ang ating wikang Pilipino dito sa Australya? Ano ang mensahe ninyo sa ating mga kapwa Pilipino?
Ang Balagtasan ay itinatanghal ng TAA taon-taon tuwing Buwan ng Wika sa buwan ng Agosto mula 2013 hanggang sa kasalukuyan. Ito ay may layuning mapalawak ang ating sariling wika at ng hindi natin makalimutan lalong-lalo na kung tayo ay nakikipag-usap sa kapwa Pilipino. Huwag po tayong mahihiya na gamitin ang ating wika katulad po ang ibang lahi, ang mga Instik, Korean, Thai na kapag po sila’y nag-uusap ay ginagamit nila ang kanilang sariling wika at hindi sila nag-i-Inglesan. Maging ganuon din po sana ang katayuan natin. Ang Balagtasan din po ay sa kapakapanan ng mga batang Pilipino na magkaroon sila ng ideya kung ano ang ating kultura ng Pilipinas.
KARAGDAGANG BABASAHIN